|
Coffee
& Wellness
Kape, mahalaga sa mga manggagawa
January 2009
BAHAGI na ng buhay ng mga manggagawang Pilipino ang pag-inom ng kape. Malaki diumano ang naitutulong ng kape sa pag-iisip upang mapagbuti ang trabaho.
Ayon sa salelady na si Leah Chavez, 25, umiinom siya ng kape bago pumasok sa trabaho kasabay ng kanyang almusal. Mas nagiging alerto at tutok siya sa mga gawain sa pinapasukan niyang department store sa Makati.
“Sa pag-aasikaso sa mga customers, kailangang listo ako para matugunan ang kanilang mga pangangailangan,” sabi ni Chavez.
Naggagampanan naman ng maayos ng school janitor na si Paulo Colasino, 33, ang kanyang mga tungkulin sa tulong ng kape. Dahil matalas ang kanyang isipan, mabilis siyang nakakasunod sa mga iniuutos sa kanya.
“Bawal ang antukin sa trabaho. Umiinom ako ng kape para lagi akong handa sa anumang trabahong gagawin,” kwento ni Colasino.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng kape ay nakakatulong upang madagdagan ang antas ng konsentrasyon at pagiging alerto ng isang tao. Nakatutulong din ito upang mabawasan ang pagkainip at maging kaiga-igaya ang pakiramdam.
,Umiinom din ng kape ang jeepney driver na si Antonio Pengco, 46, para makaiwas sa mga aksidente sa kalsada.
“Responsibilidad ko ang buhay ng aking mga pasahero kaya kailangan kong maging maingat sa pagmamaneho,” ika ni Pengco na pitong taon na namamasada ng dyip.
Ayon sa kanya, mas buhay na buhay ang kanyang pakiramdam kapag umiinom siya ng kape bago bumiyahe. Iwas sa antok at mahinang konsentrasyon din ang ilan sa mga naidudulot ng pag-inom niya ng dalawa hanggang tatlong tasa ng kape sa isang araw.
Maraming magandang naidudulot ang pag-inom ng kape sa kalusugan at pag-iisip ng isang tao. At para sa mga manggagawang Pilipino, mas nagiging produktibo ang araw nila sa tulong ng pag-inom ng masarap at mainit na kape. |